LEPTOSPIROSIS:
Mga Dapat Mong Malaman
TAG-ULAN na
naman at ang isa sa mga laganap na sakit sa ganitong panahon ay ang
Leptospirosis. Marahil ay napanood mo na sa TV ang mga balita patungkol sa
pagtaas ng bilang ng mga nao-ospital at namamatay dahil dito. Sa katunayan ay
mayroon na ring fast lane sa ilang ospital para sa mga pasyenteng maaaring may
impeksyon nito at ang ilang ospital pa ay nagdagdag na rin ng bilang ng kama
upang mapaghandaan ang patuloy na umaakyat na bilang ng mga pasyenteng may
Leptospirosis.
Paano ba nakukuha ang sakit na Leptospirosis?
Ang
Leptospirosis ay isang klase ng impeksyon na nagmumula sa bacteria na kung
tawagin ay Leptospira. Kadalasang
nakukuha ito mula sa ihi ng mga daga, aso, kabayo, baboy at iba pang mga hayop.
Ang bacteria na ito ay kayang mabuhay sa loob ng ilang linggo o buwan sa lupa o
tubig kung kaya’t sa panahon ng baha ay kasamang lumalangoy dito ang bacteria
na ito na maaaring pumasok sa ating katawan lalo na kung tayo ay may sugat sa
paa. Maaari ring makuha ay Leptospirosis sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig na
kontaminado ng bacteria.
Paano mo malalaman kung maaaring mayroon ka nang Leptospirosis?
- Kung ikaw ay lumusong sa baha na walang proteksyon ang iyong paa, may sugat ka man o wala. O naka-inom ng kontaminadong tubig.
- Kung ikaw ay mayroong lagnat na higit sa 2 araw na
- Kung mayroon kang nararamdaman sa mga sumusunod na sintomas: pananakit ng muscles ng katawan, chills, pamumula ng mata, pananakit ng ulo, paninilaw, pagkaunti ng ihi, o pananakit ng likod ng binti kapag hinahawakan.
Ano ang maaari mong gawin kung aksidente kang lumusong sa baha na walang proteksyon sa paa?
Hugasang
mabuti ang paa gamit ang malinis na tubig at sabon. Ngunit hindi ito sapat. Bago
pa man din makaramdam ng sintomas, mas maigi na kumonsulta sa iyong doctor para
mabigyan ka ng prophylaxis o paunang gamot. Mas maigi nang maging tiyak.
Ano ang mga maaaring mangyari sa akin kung pinabayaan ko na lamang ang mga sintomas na nararamdaman ko?
Ang ilan sa
mga komplikasyon ng Leptospirosis kapag ito ay napabayaan at hindi nagamot ay:
pagkasira ng bato o Acute Kidney Injury, pagkasira ng atay o liver failure,
Meningitis, komplikasyon sa baga. Ang mga sakit sa iba’t ibang organs na ito ay
maaaring humantong sa kamatayan.
Ano ang maaari kong gawin para maiwasan ang sakit na ito?
- Huwag lumusong sa baha na walang proteksyon sa paa lalo na kung ikaw ay mayroong sugat.
- Siguraduhing malinis at hindi kontaminado ang iniinom na tubig
- Kung hindi maiiwasan at ikaw ay lumusong sa baha, magpakonsulta sa iyong doctor para mabigyan ka ng gamot
Sources: Leptospirosis CPG 2010
Comments
Post a Comment